Friday, February 24, 2012

Edsa Rebolusyon pagkalipas ng 26 na taon

Makalipas ang dalawang dekada at anim na taon mula ng mapatalsik ang Rehimeng Marcos, Natamo na ba ng mga filipino ang "Pangako ng EDSA REVOLUTION?

Masakit mang tanggapin na isa lamang ilusyon ang Edsa, at ginamit lamang tayo ng mga mapagpanggap na mga lider ng demokrasya. Marahil ay panahon na para mamulat ang ating mga mata sa katotohanan na ang EDSA REVOLUTION ay hindi para sa masa kundi para sa mga iilang mayamang angkan lamang.

Di hamak na mas maunlad ang Pilipinas sa Malaysia, Thailand, Indonesia, lalo na sa Vietnam at di naman tayo nalalayo sa Singapore maging sa Japan, ito ay noong bago magkaroon na 'EDSA'. Marami naglalakihang industriya at negosyong dayuhan dito na nagbibigay trabaho sa ating mga kababayan. Mangilan-ngilan lamang ang matatawag mong OFW.

Pero pagkatapos ng 'EDSA REVOLUTION' at pagpapa-iral ng 'Cory Constitution' nag simula na ang pagbulusok pababa ng ating kalakalan at negosyo. Maraming naglalakihan na kompanyang dayuhan at nagsara dito sa atin at lumipat sa ating mga karatig na bansa tulad ng Malaysia at Thailand. At dahil sa dami ng walang trabaho, napilitan ang ating mga kababayan na maghanap ng trabaho sa ibang bansa. Ito naman ang naging ugat ng problemang pampamilya at pagkawasak ng maraming pamilya, at nagpalala rin sa maraming problema gaya ng pagkalulong sa alak at droga, na siya namang sinisisi sa pag dami ng krimen lalo na ng mga 'Heinous Crimes'.

Sa ngayong ayon sa pinabagong survey ng SWS 24% ang walang trabahon dito sa ating bansa, liban pa rito ang malawakang under employment. Nangangahulugan ito ng humigit kumulang na 9.7 Milyong walang trabaho at kung isasama pa natin ang humigit kumulang na 11 milyong OFW, nangangahulugan ito na mahigit na 20 milyong filipino ang hindi kayang bigyan ng trabaho ng ekonomiya ng ating bansa.

Bakit laganap ang kawalan ng trabaho dito sa atin?
Kinikilala ang galing ng mga filipino sa ibayong dagat, sa anumang larangan ng pagtratrabaho.
Ngunit bakit ang sarili nyang bansa ay patuloy na bigo na mabigyan sila ng sapat na pamumuhay?

Nag ugat ang lahat ng ito simula ng kanilang pairalin ang Cory Constitution na naglilimita ng pamumuhunang dayuhan dito sa atin na pumabor sa iilang mayayamang pamilya ng nag monopolyo sa industriya at negosyo sa atin.
Hawak din nila pati ang mga negosyo ng pamamahayag, radyo at telebisyon. Ito ang ginagamit nila upang paikutin ang 'KATOTOHANAN' ayon sa kanilang ninanais. Pinaiikot nila ang kaisipan ng bawat mamamayan paborable sa kanilang binuong opinyon.

Isa lamang ang paraan para matamo ang tunay na kalayaan, dapat na mapalitan ang kasalukuyan oligarkong konstitusyon. Dapat ding palitan ang 'presidential form' na gobyerno ng mas malayang porma ng parliamento.
Ito lamang ang tanging solusyon para makamtan natin ang pagbabagong matagal na nating di matagpuan...